Nilooban ng hindi pa nakikilalang mga suspect ang isang banko sa Barangay Poblacion, bayan ng Libmanan sa Camarines Sur. Isinagawa ang panloloob sa pamamagitan ng paghukay-ala-tunnel ng mga suspect mula sa katabing gusali patungo sa loob mismo ng banko.
Ayon sa report ng pulisya, alas 10:30 ng umaga nang ipaalam sa kanilang himpilan ng Manager ng United Coconut Planters Bank (UCPB) ang insidente kaugnay ng panloloob kung saan natangay ng mga magnanakaw ang hindi pa madeterminang halaga ng salapi.
Ang insidente ay pinaniniwalaang naganap kahapon bandang alas 7 ng gabi. Dagdag pa sa report, pinaniniwalang propesyunal at planado ang hakbang ng mga magnanakaw dahil itinaon nila ang operasyon sa panahong walang pasok – araw ng Linggo, putol ang kuha ng CCTV at putol din ang linya ng security/emergency alarm na naka-set-up sa loob ng nasabing banko. Kapansin-pansin din ang mga bakas at kagamitan sa pagmimina sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Pinaghihinalaang mga myembro ang mga ito ng notorious na Termite Gang na bihasa sa kanilang operasyon sa pagnanakaw dala-dala ang mga kagamitan pangminero.
Ayon pa sa karagdagang impormasyon ng mga RadyoMan ng DWNX RMN Naga, mga dalawang lingo na ang nakakaraan, may apat na lalaki at isang babae ang nagrenta ng isang silid sa kabilang gusali. Ayon sa kwento ng may-ari ng gusali, gagawin umano ng mga suspect na computer shop ang nasabing silid. Ilang araw na ang nakalipas at walang computer shop na bumukas, sa halip, bumulaga na lamang sa management ng UCPB – Savings na biktima na pala sila ng pagnanakaw sa pamamagitan ng paggawa ng tunnel mula sa inuupahang silid ng mga suspect patungo sa loob ng banko – UCPB. May 20 metro rin ang isinagawang hukay-ala-tunnel ng mga suspect para maisakatuparan ang kanilang planong limasin ang pera ng nasabing banko.
Samantala, isang driver naman ang nakapagsabi sa pulisya na may sumakay sa kanyang tricycle kaninang madaling araw na mga kalalakihan na may dala-dalang nasa tatlong sako ng mga baryang pera at nagpahatid sa High-Way ng Barangay San Isidro ng nasabing bayan. Ang nasabing High-Way ay daanan ng lahat ng sasakyang patungong Maynila mula Naga City at vice-versa.
Ayon pa sa report, putol ang kuha ng CCTV simula alas 7 ng gabi kahapon hanggang alas 2 ng madaling araw.
Puntong Tanong:
Putol ang kuha ng CCTV mula alas 7 ng gabi ng araw ng Linggo hanggang alas 2 ng madaling araw ng Lunes. *Ibig sabihin, gumana na ulit ang CCTV pagkatapos maisagawa ang nakawan? Alam ng mga magnanakw ang connection at disconnection ng CCTV? Ano ang implikasyon nito?… Ano ang comment ninyo, dear readers?…*