Naniniwala si Ukraine President Volodymyr Zelenskyy na natatakot ang Russia at China na magiging matagumpay ang peace summit sa Switzerland.
Matatandaang inakusahan ni Zelenskyy ang China na tinutulungan ang Russia para madiskaril ang naturang peace talks.
Ayon kay Zelenskyy, ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang naging pagbisita niya sa Pilipinas kahit sa maikling oras lamang at sa gitna ng kinakaharap na giyera sa Russia, para personal niyang makausap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mahalaga kasi aniyang makuha niya ang suporta ng mga bansa sa mundo para sa isinusulong nilang kapayapaan.
Personal ding ipinabatid ni Zelenskyy na nais niyang mabawi ang mga inangking teritoryo ng Russia kung saan marami sa kanilang mga kabataan ay nasa kamay ngayon ng Russian forces.
Samantala, may tatlong mahahalagang isyu rin aniya siyang nais na makamit sa pagbisita niya sa Pilipinas.
Ito ay ang pagtutok sa food security, nuclear security, at humanitarian support para sa kanilang mga mamamayan na patuloy na naiipit sa giyera at dumaranas ng matinding epekto ng digmaan.