Cauayan City, Isabela – Maliban sa mga nauna nang ayuda na ibinigay ng local na pamahalaang panglungsod ng Cauayan mula sa iba’t-ibang ahensiya at sa mismong pondo nito ay patuloy pa rin ang lungsod sa pagbibigay ng suporta sa mga mamamayan.
Sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay nagbigay ang LGU Cauayan ng tig-iisang sakong bigas sa bawat bahay.
Sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ay Ulam Para Sa Bawat Pamilyang Cauayeño naman ang pinagtutuunan ng pansin.
Sa ngayon ay nasimulan na ang pagbibigay ng ulam sa bawat pamilya gaya ng frozen chiken, pancit noodles, toyo, mantika at ilan pang mga pangunahing sangkap sa ulam.
Sa unang bugso ng pamimigay ng ulam, umabot na sa 8,154 packs ang natapos nang nai turn over sa mga ilang barangay ng Forest Region, Tanap Region at East Tabacal Region.
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang repacking sa F.L. Dy Coliseum at tuloy-tuloy din ang pagpapasakamay sa mga barangay officials.
Paalala ng LGU Cauayan, ihahatid sa mismong bahay ang mga ulam para maiwasan ang pagkumpol-kumpol ng mga tao sa iisang lugar at para makaiwas sa panganib na dala ng COVID-19.
Umaasa naman ang mga opisyal ng LGU Cauayan na makakatulong ang programang ito para matiyak ang pagkakaroon ng pagkain sa bawat bahay sa Lungsod.