Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na impormasyon sa social media hinggil sa umano’y serial killer o isang criminal group na gumagamit ng puting van sa likod ng mga insidente ng pagdukot at pagpatay sa bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, iba-iba ang suspek sa mga naitalang kidnapping incidents kamakailan at iba-iba rin ang kanilang motibo.
Kabilang sa mga nagdulot ng takot sa publiko ang insidente ng pagdukot sa 25-anyos na lalaki sa Taal, Batangas kung saan natagpuan ang bangkay nito sa Sariaya, Quezon.
Habang isa pang insidente ng pagdukot sa 34-anyos na lalaki sa probinsya ang naiulat at dalawang linggo nang nawawala.
Ayon kay Fajardo, inutusan na ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin ang mga field at regional director para palakasin ang kanilang security measures.
Tiniyak din nito na hindi ito ipagsasawalang-bahala ng PNP at gagawin nila ang lahat para mahuli ang mga responsable sa krimen.