Ulat na nagtatago sa ibang bansa ang tinaguriang “drug queen” ng Maynila, kumpirmado

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakalabas na ng bansa ang itinuturong drug queen na sinasabing nagre-recycle ng mga iligal na drogang nasasabat sa mga police operation sa Maynila.

Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, base sa kanilang database, umalis na ng bansa ang isang Guia Gomez-Castro noong September 21 patungong Bangkok, Thailand sakay ng Cebu Pacific flight.

Aniya, pinayagan itong makalabas ng bansa ng kanilang mga tauhan sa airport dahil wala namang lumabas na anomang derogatory records sa kanyang travel records.


Kinumpirma naman ni NCRPO Chief Guillermo Eleazar na kadarating lamang ni Gomez Castro mula Vancouver, Canada nitong September 18, 2019 via Philippine Airlines PR flight PR 119.

Nauna nang pinangalanan si Gomez ni MPD Director Police Brigadier General Vicente Danao.

Sa inilabas na drug matrix ng NCRPO, tinukoy na isang dating Barangay Chairwoman sa Sampaloc , Maynila ang nagsisilbing drug queen na sinasabing protekdado  ng ilang mga ninja cops.

Noong isang Linggo, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino na nangyayari pa rin ang recycling ng mga iligal na droga sa mga police operation at isang  drug queen ang bumibili sa mga nasasabat na iligal na droga.

Galing aniya sa mga tiwaling pulis ang iligal na droga at sila rin ang nagbibigay ng proteksyon sa naturang drug queen.

Ayon sa PNP, 16 na police officers ang konektado sa illegal drug operation ni Gomez Castro.

Facebook Comments