Manila, Philippines – Umaalma si Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago sa pagpayag ng Commission on Higher Education at sa Department of Education na magpatupad ng pagtaas matrikula ngayong school year 2018-2019.
Ayon kay Elago, pinayagan ng DepEd ang 170 private schools sa National Capital Region na magpatupad ng tuition fee increase ngayong pasukan.
Samantala, ang CHED naman ay magpapalabas ng listahan ng mga inaprubahang kolehiyo para sa tuition fee increase pero ngayon pa lamang ay may ulat na nag-reflect na sa bayarin ng mga estudyante ang dagdag na matrikula.
Maliban pa dito, noon lamang 2017 ay pinayagan ng DepEd at CHED na magtaas ng matrikula at iba pang bayarin ang nasa 1,013 na pribadong paaralan at 268 na mga university.
Sinabi pa ni Elago na maging sa free higher education ay nasa 40% lamang ng kabuuang higher education enrolment ang mabibigyan ng libreng edukasyon.
Giit ni Elago, dahil sa hindi kongkretong programa para sa edukasyon, ipinapakita lamang na walang plano ang administrasyon para magbigay ng abot-kaya at accessible na edukasyon para sa lahat ng mga Pilipino.