
Para sa House prosecution panel, marapat isailalim sa malalimang imbestigasyon ang ibinunyag ni dating Senator Antonio Trillanes IV na naglagak umano ng multi-milyong pisong salapi ang China sa mga negosyo at foundation na konektado kay Vice President Sara Duterte at kaniyang pamilya.
Sinabi ito ni House trial Spokesperson at Lanao Del Sur Representative Zia Alonto Adiong, makaraang isiwialat ni Trillanes na mahigit ₱319 million ang inilagak ng Chinese government sa Tapang at Malasakit Foundation gayundin sa Cale88 Foods Corp.
Katwiran ni Adiong, dapat iting siliping mabuti dahil masyadong seryoso ang alegasyon lalo na’t may mga pangalang nabanggit si Trillanes na hinihinalang sangkot sa iligal na transaksyon tulad ng iligal na droga.
Sabi ni Adiong, maaaring magsagawa ng pagsisiyasat hinggil dito ang National Bureau of Investigation (NBI).
Dagdag pa ni Adiong, may mga alegasyon si Trillanes na lagpas pa sa saklaw ng impeachment trial tulad ng posibleng pag-impluwensya ng isang dayuhang bansa sa political and electoral landscape ng Pilipinas.
