Manila, Philippines – Hindi ipinagwawalang bahala ng Philippine National Police (PNP) ang anumang impormasyon hinggil sa banta sa seguridad.
Ito ang tiniyak ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde matapos isiwalat ni Manila Mayor Joseph Estrada na may natanggap siyang impormasyon na may bantang pag-atake ng Islamist group sa kasagsagan ng Traslacion bukas.
Ayon kay Albayalde, wala silang natatanggap na ganung impormasyon pero mas mainam na sila ay handa.
Kumikilos na aniya ang intelligence group ng PNP na nakatutok sa sitwasyon at agad ipapaalam sa publiko kung may mapansin na pag-atake ng teroristang grupo.
Bukas Enero 9, 7,000 pulis, support unit at Arm Forces of the Philippine (AFP) ang magbibigay seguridad sa prusisyon ng Poong Itim na Nazareno.
Mahigpit din ipapatupad ang no vendor at gun ban sa lungsod bilang paghihigpit sa security measures.