Cauayan City, Isabela- Humihingi ng hustisya ang isang pamilya sa Quezon, Nueva Vizcaya matapos ilibing ng mga tauhan ng Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC) ang kanilang ‘ilaw ng tahanan’ dahil positibo umano sa COVID-19.
Sa panayam ng iFM Cauayan sa mismong asawa ng namayapang si Rose Marie Aliac, nais lang sana nilang makita ang resulta ng swab test na ginawa sa pasyente subalit nang kanila umano itong hingin sa pamunuan ng ospital ay wala umanong ipinapakita na anumang dokumento sa totoong nangyari sa pasyente.
Matatandaan na noong May 9, 2021 ng isugod ng pamilya sa naturang ospital ang kanilang mahal sa buhay dahil sa iniinda nitong hirap umano sa paghinga.
Para sa pamilya, kung lumabas man ang totoong resulta ay kanila itong matatanggap pero kung hindi naman ay gusto umano nilang mabigyan ng maayos na libing ang kanilang mahal sa buhay.
Napag-alaman mula sa pamilya na may history ng asthma ang pasyente.
Agad na dinala sa emegency room ang pasyente at batay umano sa pakikipag-ugnayan ng pamilya sa ospital ay tumaas ang blood pressure at blood sugar ng Ginang kung kaya’t kinabitan umano ito ng life support tube dahil sa hindi normal na paghinga.
Kaugnay pa nito, isinailalim rin sa swab test ang pasyente at hihintayin ang resulta sa loob ng tatlong araw.
Ayon naman sa kwento ng isa sa mga anak ng pasyente, nagtungo ang isang nurse sa kwarto kung saan naka-confine ang Ginang at sinabing kailangan ng mailipat sa COVID-WARD ang pasyente dahil kritikal na umano ang kalagayan ng kalusugan nito.
Ikinasama rin ng loob ng pamilya ang umano’y kapabayaan ng mga staff matapos mailipat sa ward hanggang sa nakitaan nalang ng pagbagsak ng katawan ng pasyente.
Sa kabilang banda, negatibo naman ang resulta ng lahat ng pagsusuri sa mga miyembro ng pamilya.
Masakit rin para sa pamilya ang pagbalot ng packing tape sa Ginang at ang kawalan ng pagpapakita ng totoong resulta ng ginawang pagsusuri sa pasyente.
Nitong nakaraang biyernes, May 14,2021 ng pasado ala-una ng hapon ng bawian ng buhay ang Ginang at kinagabihan ay inilibing rin ito.
Samantala, sinisikap naman ng news team na mahingan ng panig ang pamunuan ng hospital hinggil sa isyu.