Isinulong ni Manila Rep. Bienvenido Abante na maimbestigahan ng kinauukulang komite sa House of Representatives ang umano’y katiwalian at “smuggling” sa loob ng Bureau of Customs o BOC.
Sa House Resolution 1602 na inihain ni Abante ay tinukoy ang umano’y pagtanggap ng mga opisyal at empleyado ng BOC ng tongpats na hanggang P1.5 million kapalit ng pahitulot na maipasok sa bansa ang mga ilegal na produkto tulad ng ukay-ukay.
Ayon kay Abante, ito ay paglabag sa Republic Act 4653, ang batas na nagbabawal sa pang-angkat ng “textile articles” o “used clothing” o mga ginamit nang mga damit o basahan.
Layunin ng batas na maproteksyunan ang kalusugan ng mga Pilipino at mapanatili ang dignidad ng bansa.
Dismayado rin si Abante na sa kabila ng pagsasabatas ng Customs Modernization and Tariff Act ay patuloy pa rin ang korapsyon sa BOC.