Umano’y katiwalian sa electricity spot market, isiniwalat sa budget hearing ng Senado

Ibinunyag ni Senator Manny Pacquiao ang dahilan ng pagsirit ng mataas na bayarin sa kuryente ay ang market transaction fees na bunga umano ng sabwatan ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) at Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) na may basbas ng Department of Energy (DOE).

Sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2022 budget ng DOE ay binigyang-diin ni Paquiao na maanumalya at ilegal ang kontrata sa pagitan ng PEMC at IEMOP.

Tinukoy ni Pacquiao na base sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) dapat ay isang market operator lang ang magpatakbo ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).


Pero ipinilit umano ni Energy Secretary Alfonso Cusi na gawin ito ng dalawang ahensya kaya sabay na naging market operator ang PEMC at IEMOP.

Inilahad pa ni Pacquiao na naglagay umano ng maling formula sa sistemang nagpapatakbo ng merkado ang IEMOP noong 2019 kaya nadagdagan ang singil sa publiko ng 1.7 billion pesos.

Pagsisiwalat pa ni Pacquiao ang IEMOP ay mayroon lamang 7,000 pesos na capital na apat na buwan pa lamang itinatag noong 2018 at hindi rin technically equipped na patakbuhin ang merkado ng kuryente na may bilyun-bilyong pisong ari-arian at pondo sa operasyon.

Ikinumpara pa ito ni Pacquiao sa Pharmally Pharmaceutical Corporations at iba pang mga baguhang kompanya na nabibigyan ng bilyun-bilyong pisong halaga ng kontrata sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Sa presentation ni Pacquiao ay ipinakilala rin na isa sa mga incorporator ng IEMOP at dating services corporate head din ng PEMC na si Laguna Provincial Board Member Maria Ann Lourdes Matibag ay misis ni Melvin Matibag na malapit umano kay Cusi.

Binanggit din ni Pacquiao na ang director ng PEMC na presidente at chief executive officer pa ng IEMOP na si Richard Nethercott ay fraternity brother naman ni Matibag.

Facebook Comments