Pinaiimbestigahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Antipolo Rep. Romeo Acop ang umano’y korapsyon sa pagbalangkas at pagpaplano sa implementasyon ng jeepney modernization program.
Ayon kay Romualdez, may mga impormasyong natanggap ang kanyang opisina na mayroon umano sa kasalukuyang mga transport official ang nakikipagsabwatan sa dating mga opisyal sa pagkikipagnegosasyon para sa imported modern jeepney units na ipapalit sa mga lumang pampasaherong jeep.
Iginiit ni Romualdez na kailangang protektahan ang kapakanan at kabuhayan ng mga jeepney driver habang itinataguyod ang pagiging makabago at mabisang transportasyon.
Kasabay nito ay nanawagan si Speaker Romualdez sa Department of Transportation (DOTr) na isailalim muna sa masusing pag-aaral at review at palawigin ang implementation period ng Public Utillity Vehicle o PUV modernization program.
Isinulong naman ni Romualdez ang pagkakaloob ng tulong sa transition sa modernized vehicles sa pamamagitan ng abot-kayang financing options at pag-aalok ng training programs upang makasabay ang mga driver sa bagong teknolohiya.
Sabi ni Romualdez, pinag-aaralan din nila ang pagbibigay ng fixed income sa mga driver na makakatulong sa kanilang pagpaplano sa hinaharap na magbubunga din ng organisado at maaasahang transport system.