Saturday, March 14, 2026

Umano’y maanomalyang pagbili ng DOH sa Mobile Primary Care Facilities, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pinaiimbestigahan ni Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren sa House of Representatives of the Philippines ang umano’y maanomalyang pagbili ng Department of Health (DOH) ng Mobile Primary Care Facilities (MPCF) na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon.

Ginawa ni Pumaren ang hakbang matapos sampahan ng reklamong graft sa Office of the Ombudsman ang ilang opisyal ng DOH kaugnay ng umano’y pagluluto sa bidding at manipulasyon sa technical specifications ng biniling MPCF na planong i-deploy sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Pumaren, layunin ng ikakasang imbestigasyon ng Kamara na matukoy at matugunan ang mga kahinaan sa procurement policies at mekanismo ng DOH.

Tiwala ang mambabatas na makakatulong ang gagawing pagdinig ng Kamara sa isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman.

Giit ni Pumaren, kailangang matiyak na walang makakalusot na katiwalian sa programa ng DOH kaugnay ng MPCF upang makamit ang layunin nitong mapalakas ang primary health care services para sa mga mamamayan sa buong kapuluan.

Facebook Comments