Cauayan City, Isabela-Natimbog ang umano’y Auditor ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) sa isang checkpoint ng mga awtoridad gabi ng Pebrero 5 sa Bantay, Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang suspek na si Ronnel Tacata, 38-anyos, tubong Tondo, Manila at residente ng Santo Tomas, Ilocos Norte.
Ayon kay PCOL. Davy Vicente Limmong, Provincial Director, kasalukuyan pinapaberipika kung lehitimong miyembro ng nasabing samahan ang nahuling suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na sakay ng isang pulang kotse ang suspek galing sa Buscalan, Tinglayan at bibiyahe mula Baguio via Bontoc, Mt. Province na hinihinalang magbibiyahe ng marijuana patungo sa Metro Manila.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad para maharang ang nasabing sasakyan gamit ang K9 unit kung saan positibong nakumpiskahan ng siyam (9) na piraso ng tubular dried marijuana na tumitimbang ng higit kumulang 3,900 grams ang suspek.
Nagkakahalaga ng P468,000 ang mga nakumpiskang marijuana mula sa suspek.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act ang suspek na nasa kustodiya ng mga awtoridad.