Tuguegarao City, Cagayan – Hindi nakaligtas sa isinagawang entrapment ng panghuhuthot ang isang lalaki na umanoy Officer in Charge ng CHED Region 2, nitong Marso bente uno taong kasalukuyan sa Centro 4, Tuguegarao City.
Nagpakilala na isang Officer in Charge ng CHED, Regional Office 2 si Norbert Van Usigan Orteza, bente anyos, walang asawa, nagtapos sa Saint Paul University at residente ng Minanga, Camalaniugan, Cagayan.
Nagreklamo sa PNP Tuguegarao City ang biktima na si Francesca Tiangco Toledo, bente nuebe anyos, walang asawa, isang negosyante at residente ng Bonifacio Street, Centro 1, Tuguegarao City.
Sa naging pahayag ni Toledo sa pulisya, nakipagkita umano ang suspek sa kanya noong Marso kwatro, taong kasalukuyan sa isang restaurant sa Centro 4, Tuguegarao City at nagpakilala na isang Officer in Charge ng CHED RO2 kung saan humihingi ng pera sa kanya na umanoy para sa isang charity ng CHED.
Gayunman napag-alaman ng biktima na hindi konektado sa CHED si Orteza na dahilan upang ireklamo nya ito sa pulisya para sa isang entrapment.
Isinagawa ang operasyon ng entrapment sa pangunguna ni SPO2 Emilliano Pamittan sa direktiba ni Police Superintendent Edward M. Guzman kung saan positibong nakuha kay Orteza ang dalawang piraso ng isang libong piso na marked money.
Naaresto ang suspek at nakuha rin ang isang unit ng cell phone at mga dokumento na ginamit sa pangingikil.
Kaugnay pa nito nagsadya sa PNP Tuguegarao City si Ms. Ruth Lasam, Chief Administrative Officer ng CHED RO2 upang patunayan na hindi opisyal o nagtratrabaho si Orteza sa tanggapan ng CHED.