Umano’y pagkakasangkot pa rin ng mahigit 300 pulis sa iligal na droga pinaiimbestigahan

Iniutos na ni PNP Chief General Archie Francisco Gamboa ang pagsasagawa ng imbestigasyon para matukoy kung may katotohanan ang report na may 357 na police officer pa rin ang sangkot sa iligal na droga.

Sinabi ni Gamboa  ang mga pulis na ito ay kasama sa drug watchlist ng Pangulong Rodrigo Duterte kung saan Brigadier General o one-star rank ang pinakamataas na ranggo.

Hindi na raw muna isasapubliko ang pangalan ng mga ito hanggat hindi napapatunayan sangkot sila sa iligal na droga.


Pero nakausap na raw ni Gamboa ang halos lahat sa mga ito matapos na magreport sa Camp Crame nitong Byernes.

Magsisimula aniya sa Lunes ang validation process sa mga isinasangkot na pulis at inaasahang matatapos bago matapos ang buwang ito.

Dalawang level aniya ang gagawa ng validation process, una ay ang regional o Directorial Staff Adjudication boards at ipapasa ito sa National Adjudication Board na pinangunguhan ng Deputy Chief PNP for Administration.

Tiniyak ni Gamboa na kapag napatunayang sangkot ang mga ito sa drug transaction mahaharap sila sa kasong administratibo at kriminal na maging dahilan ng pagkakatanggal nila sa serbisyo.

Pero kung mapapatunayan naman wala sila koneksyon sa droga ay aalisin sila sa drug watchlist.

Facebook Comments