Pinapa-imbestigahan ni Senator Leila de Lima sa Senado ang umano’y mga butas sa implementasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Institutionalization Act.
Hakbang ito ni De Lima kasunod ng mga impormasyon na umano’y kinakaltasan at atrasado na ng isang buwan ang pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
Sa inihaing Senate Resolution No. 1000 ay sinabi ni De Lima na kailangan itong imbestigahang maigi para proteksyunan ang mga benepisyaryo ng 4Ps.
Nag-aalala si De lima, na kung ito ay totoo ay baka hindi makatupad ang benepisyaryo ng 4Ps sa mga kondisyong kaakibat ng ayuda sa kanila tulad ng pagtutok sa kalusugan ng mga ina at sanggol at pagpasok sa paaralan ng mga bata.
Kasamang pinapa-imbestigahan ni De Lima ang pagkalat ng fake news na matitigil ang tulong mula sa 4Ps kung hindi iboboto sa eleksyon ang ilang nanunungkulan ngayon.
Kaugnay nito ay inihain din ni De Lima ang Senate Resolution No. 1001 na layuning busisiin ang kakayahan ng DSWD na magpatupad ng mga social protection program katulad ng pamamahagi ng ayuda kasunod ng mga naging puna rito ng Commission on Audit.