Umano’y pagsabog malapit sa Pag-asa Island, inaalam na ng DND

Naghihintay pa ang Department of National Defense (DND) ng karagdagang reports hinggil sa dalawang magkasunod na insidente na nangyari malapit sa Pag-asa Island noong Linggo, November 20, 2022.

Ayon kay DND Officer-in-Charge Senior Undersecretary Jose Faustino Jr., base sa paunang ulat ay sapilitang kinuha ng Chinese Coast Guard ang nakuhang “unidentified floating object” ng Philippine Navy sa Pag-asa Island habang tino-tow ito papuntang Naval Station Emilio Liwanag para sa inspeksyon.

Inaalam na rin ng mga awtoridad ang umano’y pagsabog na narinig malapit sa Pag-asa Island makaraan ang floating debris incident.


Sinabi ni Faustino na on going ang imbestigasyon kung kaya’t hindi pa sila makapagbigay ng karagdagang impormasyon.

Sa ngayon ani Faustino, tuloy ang kooperasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang sangay ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino na naninirahan sa Pag-asa Island at kalapit na isla.

Suportado rin ng DND ang diplomatic efforts ng pamahalaan nang sa ganon ay maipaliwanag o mabigyang linaw ng China ang kanilang panig.

Matatandaang base sa report ng Palawan Police, nanggaling ang pagsabog sa artillery weapons sa Subi Reef na malapit sa artificial islands na itinayo ng China.

Facebook Comments