Umano’y “Palakasan System” sa Pagbabakuna kontra COVID-19, Inireklamo; Health Office ng Santiago City, Nagpaliwanag

Cauayan City, Isabela- Inireklamo ng ilang residente ng Santiago City ang hindi umano organisado na mahabang pila ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa isang paaralan sa lungsod.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay alyas “Cha”, posible umanong may “palakasan system” na nangyayari sa pagbabakuna dahil may ilan umanong nakakalusot para bakunahan laban sa virus na hindi naman kasama sa priority list ng pamahalaan.

Ayon sa kanya, may anomalya umano dahil may mga advance reservation sa mga slot ng babakunahan na naililista para sa susunod na iskedyul.


Isa lamang si alyas Cha sa mga matiyaga na pumila at napasama sa listahan ng 500 katao na babakunahan subalit sa bandang huli ay hindi rin naisama na mabakunahan dahil sa ilan umanong mga nakalusot sa pila.

Sa hiwalay na panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer, aminado ito na may mga ibang hindi residente ng lungsod ang nakapila para lamang mabakunahan pero kanyang binigyang diin na prayoridad na mabakunahan ang taong residente ng lungsod.

Giit pa nito, walang katotohanan ang nasabing akusasyon dahil sinisiguro nilang nasusunod sa tama ang lahat ng hakbang ng pamahalaan at upang matiyak na makikinabang ang lahat sa bakuna subalit aminado rin ito na may kakulangan sa mga bakuna na naibibigay sa lungsod.

Ayon pa kay Dr. Manalo, dahil sa mahabang pila ay hindi na nasusunod ang social distancing kaya’t kailangan nilang magpatupad ng mas mahigpit na polisiya para maiwasan ang hawaan ng virus.

Hinimok niya ang Santiagueño na magpalista ng pangalan sa City Health Office para maisama sa susunod na vaccination schedule.

Sa kasalukuyan, umaarangkada na rin ang pagbabakuna sa 500 katao kasama sa kanilang listahan habang ang natitirang 333 katao ay mapapabilang sa susunod na dating ng mga bakuna kontra COVID-19 at inaasahang madaragdagan pa ang mga ito.

Hiling lang ni Cha sa lokal na pamahalaan na suriing mabuti ang mga babakunahan dahil may mas higit pa umanong karapat-dapat na maunang bakunahan bagama’t prayoridad na magpabakuna ang lahat ng Pilipino.

Facebook Comments