Tahasang sinabi ni House Appropriations Committee Chairman at Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co na talagang tatak Duterte na yata ang pambubudol – mula sa pekeng war on drugs, pekeng good governance, pekeng pagkontra sa korapsyon, at ngayon aniya ay pekeng sagot sa mga isyu.
Ayon kay Co, unang sinabi ni VP Sara na simpleng tao ito pero mahigit apat na daan ang bodyguards na kauna-unahan sa kasaysayan ng bansa.
Binanggit pa ni Co na nag-iisa ngang humarap si VP Sara sa unang pagtalakay ng kanyang 2025 proposed budget pero humingi naman ito ng pagkain para sa isang daang body guards na hindi naman kinain kaya naaksaya lang ang resources ng gobyerno.
Diin ni Co, malinaw na pambubudol o panlilinlang sa mga Pilipino ang pahayag ni VP Duterte na kinikilala nito ang kapangyarihan ng Kongreso sa budget pero ayaw naman nitong sagutin ang tanong ng mga kongresista at hindi pa sinipot ang budget hearing ngayong araw.
Dagdag pa ni Co, mas matindi pa si VP Sara na ginastos sa 11 araw lang ang P125 million na confidential fund kumpara sa Napoles Fund na inabot ng 60 araw ang paggastos.