Umano’y pangingikil ng mga pulis sa mga detenido, iniimbestigahan na; mabilis na pagpapalaya sa mga detenidong may release order mula sa korte, ipinag-utos ng PNP

Iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang mas malalim na imbestigasyon sa alegasyon ng pangingikil ng mga pulis sa mga detenido.

Ito ay matapos makarating sa kanya ang mga reklamo tungkol sa ‘di umano’y modus ng ilang tiwaling mga pulis, kung saan sinasadyang patagalin ang pag-release ng mga detenido kahit may court order na upang pagkakitaan sa pamamagitan ng sinisingil na ‘board and lodging fee’, ‘protection fee’ at ‘visitation fee’.

Kaya naman iniutos ni Eleazar sa PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), na magsagawa ng imbestigasyon at mga operasyon para matukoy at agad na maparusahan ang mga pulis na sangkot dito.


Matatandaang idinadahilan umano ng mga pasaway na pulis na hindi pa nila maaaring palayain ang mga detenido sa kabila ng kautusan ng korte dahil kailangan pa raw nilang tingnan kung may iba pa silang kinakaharap na kaso.

Sinabi ni PNP Chief Eleazar na ginagawa dapat ang pag-background check ng mga detenido matapos ang pag-aresto upang malaman kung may iba pa silang kinahaharap na kaso o pinaghahanap dahil sa iba pang mga aktibidad.

Bukod sa IMEG na mag-iimbestiga, may utos na rin si Eleazar sa mga chief of police at iba pang unit commander na palayain agad ang detenidong may release order mula sa korte.

Layunin ng kanyang utos na ito, hindi lamang paggalang sa due process at umiiral na mga batas, kundi para maiwas ang pananamantala ng mga pasaway na pulis.

Facebook Comments