Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Senator Win Gatchalian sa magiging lagay ng suplay ng enerhiya sa bansa.
Kasunod ito ng report na plano umanong ibenta ng negosyanteng si Dennis Uy ng Udenna Corporation ang kanyang controlling stake sa Malampaya deep water gas-to-power project.
Paliwanag ni Gatchalian, ang Malampaya ang kaisa-isang pinagkukunan natin ng natural gas sa bansa kaya nakakabahala ang lumabas sa imbestigasyon ng Senado na baon sa utang ang nagmamay-ari ng Udenna bukod pa sa walang technical expertise sa ganitong klase ng negosyo.
Ayon kay Gatchalian, mapapaso ang service contract ng Malampaya sa 2024 habang mauubos ang natitirang reserba ng natural gas dito pagdating ng 2027 at ngayon ay posibleng ibenta ang participating interests dito ng Udenna.
Giit ni Gatchalian, napakahalagang energy asset ang Malampaya dahil umaasa rito ng suplay ang mga planta ng kuryente na nagseserbisyo sa apat at kalahating milyong tahanan at negosyo sa Mega Manila.
Binanggit ni Gatchalian, na sa kabuuang pangangailangan ng suplay ng enerhiya ng bansa ay nasa halos 20% ang naiaambag ng Malampaya.
Dagdag pa ni Gatchalian, Malaki rin ang kontribusyon ng Malampaya sa koleksyon ng gobyerno dahil umabot sa P290.76 bilyon ang kita nito mula Enero 2002 hanggang Hunyo 30, 2021.