Umano’y red-tagging sa isang mambabatas, itinanggi ng PNP

Pinabubulaanan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos ang akusasyon ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate na target siya ng red-tagging ng PNP.

Nagreklamo ang mambabatas dahil sa isang tarpaulin na nag-uugnay sa mambabatas sa kilusang komunista na umano’y naka-display sa harapan ng Capas Municipal Police Station sa Tarlac.

Ayon sa PNP chief, ang istasyon ng pulis ay nasa loob ng Compound ng Local Government Unit kaya hindi nila kontrolado ang pagkilos ng mga tao sa loob ng compound.


Sinabi pa ng PNP chief, ang sinasabing tarpaulin ay ikinabit sa labas ng “gated” na bakuran ng istasyon.

Giit ng PNP chief, hindi pinahihintulutan ng PNP ang kanilang mga tauhan na gamitin ang mga pasilidad ng PNP sa pamumulitika.

Siniguro naman ni Carlos na paiimbestigahan niya ang insidente na nakakasira sa imahe ng PNP.

Facebook Comments