Manila, Philippines – Umapela sa media si bagong Chief Justice Lucas Bersamin na tulungan siya sa paglilinis sa hudikatura.
Ayon kay Bersamin, kinikilala niya ang ambag ng media sa hakbang ng hudikatura na linisin ang kanilang hanay.
Pinasalamatan din ng punong mahistrado ang media sa pagpuna ng mga maling gawain ng ilang kasamahan nila sa judiciary.
Huwag aniyang mag-atubiling punahin kung may makitang mali sa Korte Suprema at sa buong hudikatura dahil tao lang naman silang nagkakamali din.
Aminado naman ang bagong Chief Justice na hindi siya kilala sa buong hudikatura kaya muli nyang kinuha si Supreme Court Administrator Jose Midas Marquez bilang tagapagsalita ng Korte Suprema.
Nilinaw naman ni Bersamin na si Marquez muna ang itinalaga niyang Supreme Court PIO Chief habang naghahanap pa siya ng mailalagay sa pwesto.
Si acting Supreme Court PIO Atty. Gleo Guerra kasi ay nag-apply para maging Supreme Court Chief Attorney.