Manila, Philippines – Umapela sa mga pasahero ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maging mapagmatyag para matukoy ang mga depektibong bus na nagpapalusot pa para makabiyahe ngayong Undas.
Pinaalalahanan ni LTFRB Chairman Martin Delgra ang mga pasahero ng bus na maging maalam sa mga kondisyon o safety features ng kanilang sasakyan para sa mahabang biyahe.
Kailangan aniya na maging makilatis ang mga ito sa mga depektibong signal lights, mga kalbong gulong at sirang side mirrors at huwag mag-atubiling i- report sa LTFRB.
Aniya mahigpit ang pakikipagtulungan ng LTFRB sa LTO upang tiyakin lamang ang kahandaan ng mga PUV drivers na maihatid ng mabilis, ligtas at komportable ang mga commuters sa kanilang destinasyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga batas ukol dito.
Pinaalalahanan din ng LTFRB ang public utility bus operators tungkol sa palitan ng driver ng hindi lalagpas ng anim na oras na pagmamaneho gayundin ang pagiging komportable ng mga pasahero sa waiting areas.
Hindi rin dapat baliwalain ang 20% discounts para sa mga estudyante, senior citizens, PWDs at priority seats para sa matatanda, mga nagdadalantao at mga kabataan.