Umarangkada na ang 24-hour Operation Center (OpCen) ng National Food Authority (NFA) para sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng NFA rice ng iba’t-ibang Local Government Units (LGUs) at relief agencies ng gobyerno.
Kasunod ito ng nagpapatuloy na distribusyon ng rice stocks para sa mga biktima ng malalakas na pag-ulan nitong mga nakalipas na araw at sa pananalasa ng Bagyong Inday at Josie.
Sa pinakahuling tala ng NFA, umabot na sa 10,246 na sako ng bigas ang kanilang naipamahagi sa mga munisipalidad sa Pangasinan na ang buong probinsya ay isinailalim sa state of calamity.
Kaugnay nito, nangangailangan pa ng karagdagang bigas ang mga lokal na pamahalaan ng San Carlos, Calasiao, Sta. Barbara, Malasiqui, Alaminos at maging sa Labrador Municipality.
Ang iba namang probinsya sa region ay nabigyan na rin ng NFA rice partikular sa Abra, Benguet, Ilocos Norte gayundin sa Central Luzon partikular sa Tarlac at Bataan.
Bagaman nalubog sa tubig baha ang Balanga City ay walang napaulat na damage o pagkasira sa stocks at mismong tanggapan ng NFA sa lungsod.
Samantala, nakapag-release na din ang NFA ng daan-daang sako ng bigas para sa San Jose, Occidental Mindoro na labis ring naapektuhan ng malalakas na pag-ulan dulot ng habagat.