Sinimulan na Department of Interior and Local Government (DILG) ang monitoring sa lahat ng island resorts at beach tourism destinations sa bansa.
Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo Año na nais niyang maiwasan ang anumang scenario o kahalintulad ng pagpapasara sa Boracay island kung saan naabuso ang kalinisan dahil sa kapabayaan ng mga kinauukulan.
Pinagsusumite ni Año ng report ang mga provincial, city, o municipal ordinances may kaugnayan sa pangangalaga sa kapaligiran ,pagtatayo ng gusali at easement regulation.
Anya, sasailalim sa ebalwasyon ng DILG ang estado ng sewage treatment facilities, power at water supply service capacity, at ang Zoning Ordinance and Comprehensive Land Use Plan ng Local Government Units (LGUs) na mayroong beach tourism destinations.
Ang regional reports ay isusumite sa DILG Beach Tourism Monitoring Team na itinatag mula sa dating DILG Boracay Secretariat.
Sinabi pa ni Año na ang pagpapasara ng isang tourism site ay nagdudulot ng epekto sa kabuhayan ng mamamayan at local economy kaya hinimok niya ang lahat ng LGUs na huwag nang hintayin ang sanctions o interbensyon ng national government.