UMENTO SA SAHOD | DBM, hindi tutol sa pagtaas ng sweldo ng mga guro

Manila, Philippines – Nilinaw ni Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi siya kontra sa pagtataas ng sweldo ng mga guro.

Sa isinagawang Press Conference, mismong tanggapan ng DBM sinabi ni Diokno na naniniwala siya na mahalaga ang ginagampanang trabaho ng mga guro para sa mas maayos na nation building ng bansa at nararapat lang na mabigyan ang mga ito ng karampatang gantimpala para sa kanilang mga ginagawa.

Dagdag pa ni Diokno na patuloy ang pagtaas ng mga sweldo ng mga guro lalo na ngayong taon kung saan naging epektibo ang ikatlong bugso ng Salary Standardization Law.


Maliban dito lahat ng mga government workers kabilang ang mga guro ay patuloy na makakaramdam ng Salary Adjustments para sa ika-apat na sigwada ng SSL sa 2019.

Ayon sa kalihim, sa kasalukuyan ang isang Teacher 1 sa isang public school, sa ilalim ng ikatlong bahagi ng Salary Standardization ay kumikita ng 20,179 pesos at makakatanggap ng annual bonus at allowances na papalo sa 74,358 pesos.

Nangangahulugan aniya na 26,375 pesos monthly compensation package at pagsapit pa ng 2019 kung saan mararamdaman ang ika-apat na bahagi ng SSL ay aabot na ito sa 27, 046 kada-buwan.

Paliwanag pa ng kalihim, hindi pa kabilang sa mga perang nabanggit ang epekto ng TRAIN Law kung saan ang Teacher 1 ang isa sa makikinabang dahil below 250,000 ang kanilang annual income.

Naniniwala si Diokno na bagamat mahalaga ang mga guro sa ating komunidad ay hahayaan niya munang maramdaman ng mga ito ang ikatlo at ikaapat na bahagi ng Salary Standardization Law bago sila magsagawa ng panibagong pag-aaral hinggil sa taas sweldo ng mga ito.

Facebook Comments