Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa niyang itaas ang sahod ng mga guro pero naging atrasado ito bunga ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang talumpati sa Valenzuala City, sinabi ng Pangulo na napilitan siyang ilipat ang pondo sa pandemic response efforts.
“Nag-iipon na po ako sa totoo lang kasi sabi ko next ang teacher. Totoo ho iyan. Nandiyan si [Education] Secretary [Leonor] Briones,” sabi ng Pangulo.
Aniya, mahalaga ang mga guro sa kanya dahil isang guro rin ang kanyang ina na si Soledad.
Batid ng Pangulo kung gaano ka-importante ang edukasyon at may mataas na budget allocation kada taon.
Sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), ang sektor ng edukasyon at nakakuha ng malaking bahagi mula sa national budget na nasa ₱751.7 billion.