Pinag-aaralan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang usapin sa wage adjustment o pagtataas ng sweldo ng mga manggagawa sa bansa, depende sa lugar o rehiyon.
Ipinaliwanag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na regular namang ginagawa ang wage adjustment kada taon, pero ang tinitingnan aniya ngayon ng National Wage and Productivity Commission ay kung maaari bang itaas ang sahod sa mga manggagawa sa private sector sa harap ng pandemya dahil sa COVID-19.
Gayunman, nais pa rin ni Bello na matiyak na patas o balanse ang interes ng mga manggagawa at mga employers sa pagtataas ng sweldo.
Pinabulaanan naman ni Bello ang alegasyong may mga rehiyon na matagal nang hindi nagtataas ng sahod dahil taon-taon naman aniyang nagkakaroon ng pag-aaral at adjustment at ito ay inaaprubahan ng mga Regional Tripartite Wages ang Productivity Board.