Umiiral na batas ukol sa paghahalaman, ipinalala ng DENR sa mga plantito at plantita

Pinaalalahanan ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang mga plantito at plantita ukol sa mga umiiral na batas kaugnay sa pagkuha at pag-aalaga ng mga halaman na itinuturing na critically endangered o nanganganib ng maubos.

Sa pagtalakay ng ng Senado sa 25.4-billion pesos proposed 2021 budget ng ahensya, sinabi ni DENR-Biodiversity Management Bureau Assistant Secretary Ricardo Calderon na ipinag-uutos ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 na dapat may permiso bago kumuha ng halaman sa gubat.

Kaugnay nito ay binanggit din ni Calderon, na may partnership ang DENR sa mga pribadong institusyon para maalagaan ang endangered species at mayroon din itong 643-million pesos na budget para protektahan ang 107 na deklaradong protected management areas na nasa 7.2-milyong ektaryang lupain sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.


Samantala, sa budget hearing ay tiniyak naman ni DENR Undersecretary Jonas Leones na may engineering works at interventions na ginawa para hindi ma-wash out ng alon ang dolomite sand na inilagay sa bahagi ng Manila Bay.

Paliwanag ni Leones, kapag may dolomite na sumama sa alon ay maglalaro lang iyon sa perimeter o lugar na tinambakan ng dolomite na katulad sa karaniwang beach.

Kasabay nito ay muling binigyang-diin ng DENR na ligtas sa kalusugan ang dolomite sand sa Manila Bay.

Facebook Comments