Pinalawig pa nang isang linggo ang umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila at mga karatig lalawigan na Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) kasunod na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kaugnay nito, nanawagan si Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga lokal na pamahalaan na sakop ng NCR Plus bubble na paigtingin pa ang mga ipinatutupad na quarantine measures.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng mga istratehiya ng Prevent, Detect, Isolate, Treat and Reintegrate (PDITR) para maiwasan ang pagkalat pa ng virus.
Dagdag pa ni Roque, sakaling maging maganda ang resulta ng pagpapatupad ng PDITR ng mga Local Government Unit (LGU) ay posibleng ibaba na sa Modified ECQ ang NCR bubble.
Samantala, ipinag-utos na rin ng Department of the Interior and Local Government na siguruhing naibibigay ang lahat ng datos ng bawat LGU habang ang Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry ang nakatoka sa mga establisyimento.