Manila, Philippines – Naniniwala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na mapapalawig pa ang termino ng bagong Armed Forces of the Philippines Chief of staff na si Lt. Gen. Rey Leonardo Guerrero.
Si Guerrero ay umupo bilang ika-49th AFP chief of staff na nakatakdang magretiro sa darating na buwan ng Disyembre sa mandatory retirement age na 56 taong gulang.
Ayon kay Secretary Lorenzana, nakasaad sa batas na ang Pangulo ay may karapatan palawigin ang termino ng isang chief of staff ng mula tatlong buwan hanggang anim na buwan.
Maari aniyang maging basehan ng Pangulo sa extension ang umiiral na martial law.
Sinabi pa ni Lorenzana na halos walang magagawa si General Guerrero kung dalawang buwan lamang itong manunungkulan bilang AFP chief of staff.
Samantala, sinabi ni Lorenzana na nakadepende sa sitwasyon sa Marawi, rekomendasyon ng Armed forces of the Philippines at Philippine National Police ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao na epektibo pa hanggang December 31, 2017.