Pinalawig pa hanggang katapusan ng Oktubre ang umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa lalawigan ng Batanes.
Ayon sa provincial government, hakbang ito para maiwasan ang paglaganap pa ng sakit na COVID-19.
Habang inaasahang mabibigyan din ng panahon ang mga health cluster upang matutukan ang patuloy na case finding and surveillance at pagpapagaling ng mga COVID-19 patients.
Nauna nang sumailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Batanes sa kasagsagan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 na halos pumalo sa 500 noong Setyembre.
Sumunod na ipinatupad ang MECQ na natapos noong Oktubre 14.
Batay sa tala kahapon, Oktubre 18, nasa 238 ang aktibong kaso o kasalukuyang may COVID-19 kung saan 4 dito ay bagong kaso.
Pinakamarami pa rin aktibong kaso sa bayan ng Basco na umaabot ng 208.
Sa kabuuan, mayroong 648 na recovery mula sa 890 total COVID-19 cases habang may 4 na namatay.