Manila, Philippines – Matapos ang walong taon, umusad na rin sa Quezon City RTC Branch 224 ang kasong torture at illegal detention ng tinaguriang Morong 43 laban kay dating pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at ilang dati nitong opisyal.
Taong 2011 pa isinampa ang kaso bilang paniningil sa umano ay illegal na pag-aresto noong 2010 sa 43 na health workers na napagkamalan noong NPA.
Kabilang sa kinasuhan ay sina dating Defense Secretary Norberto Gonzales at mga dating military officials na sina Victor Ibrado at Delfin Bang.
Sa pagsalang sa witness stand ng Morong 43 sa pang unang pagdinig sa kaso, sinabayan ito ng kilos protesta ng grupong Justice for the 43 health workers.
Nagpahayag din ng sentimyento ang grupo sa napipintong pag-aresto kay Senador Antonio Trillanes.
Naniniwala si Mercy Castro, tagapagsalita ng grupo na layunin ng amnesty revocation na maghatid ng takot sa lahat ng kritiko ng Administrasyong Duterte .
Nangako ang grupo na hindi magpapasindak at ipagpapatuloy ang paghahanap ng hustisya at katotohanan sa gitna ng umano ay umiiral na diktadurya sa bansa.