UN representative sa Pilipinas, bumisita at bumati kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Naging positibo ang courtesy call ni United Nations Representative to Philippines Ambassador Gustavo Gonzales kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ngayong araw.

Sa media briefing, sinabi ni Amb. Gonzales na umikot ang kanilang usapan ukol sa tatlong agenda ng UN kabilang dito ang usapin ng human rights, peace, at climate change.

Sa usapin ng human rights, sinabi ni Amb. Gonzales na suportado ng UN ang lahat ng hakbang ng Pilipinas ukol sa human rights agenda.


Habang tinalakay naman ang kahalagahan na maipagpatuloy ang kapayapaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa ikalawang agenda ng pagpupulong.

At ang huling bahagi ng pagpupulong ay sumentro sa climate change at climate crisis, kung saan napag-usapan ang mga naging epekto ng nagdaang kalamidad sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Amb. Gonzales na nasa ika-apat na pwesto ang Pilipinas sa 2021 Global Climate Risk Index.

Napag-usapan din sa pulong ang paghahanda sa UN General Assembly na nakatakdang gawin sa Setyembre.

Ani Amb. Gozales, sa nasabing UN General Assembly ay magkakaroon din ng Transforming Education Summit kung saan ito’y oportunidad upang mapag-usapan ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa sektor ng edukasyon.

Sa huli, sinabi ng UN Representative na naging positibo ang pagpupulong at patuloy na susuportahan ang Pilipinas at ang bagong administrasyon.

Facebook Comments