UN Special Rapporteur Khan, dinalaw ang mga nakakulong na mamamahayag at human rights defenders sa Tacloban City jail

Dinalaw ni UN Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan ang mga nakakulong na mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio at ang human rights defenders na sina Marielle Domequil at Alexander Abinguna sa Tacloban City Jail.

Kung maalala, ang tatlo ay inaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya at militar noong 2020 dahil sa umano’y iligal na pagmamay-ari ng mga baril at pampasabog.

Ayon kay Khan, apat na taon nang nakakalipas subalit patuloy pa rin ang pagdinig sa kanilang kaso kung kaya naman kinuwestyon ni Khan kung gaano pa katagal maghihintay ang mga ito para makalaya.


Una nang sinabi ng journalist at grupo ng human rights defenders na isa lamang gawa-gawa ang mga kaso laban sa kanila.

Tiniyak naman ni Justice Undersecretary Raul Vasquez sa publiko na tumatakbo ang hustisya sa bansa at lahat ay mabibigyan ng pagkakataon na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila.

Samantala, iginiit naman ni Khan na tanging sila pa lamang ang international team na pinayagan ng gobyerno ng Pilipinas na bisitahin ang mga nakakulong na Pilipino sa bansa.

Facebook Comments