Unang 100 araw ng COVID-19 vaccination program, dapat busisiin ng Joint Congressional Oversight Committee

Iminungkahi ni Senator Joel Villanueva sa Joint Congressional Oversight Committee ang pagbusisi sa unang 100 araw ng COVID-19 vaccination program ng gobyerno na nagsimula noong March 1.

Ayon kay Villanueva, ito ay para madetermina kung nakakamit ba ng pamahalaan ang target nitong panahon o schedule para mabakunahan ang 70 million mga Pilipino bago matapos ang taon.

Paliwanag ni Villanueva, sa ganitong paraan ay matutukoy kung may kailangang bang baguhin sa istratehiya o mga hakbang ng gobyerno kaugnay sa pagbabakuna.


Diin ni Villanueva, mahalagang mapag-aralang mabuti ang sitwasyon lalo’t inaasahang paparating ang mas maraming COVID-19 vaccine.

Tinukoy ni Villanueva na mula nitong May 31 ay nasa mahigit 3.9 milyong mga Pilipino pa lang ang nabigyang ng 1st dose ng bakuna at mahigit 1.2 milyon sa mga ito ang nabigyan ng 2nd dose.

Ipinunto ni Villanueva na ang fully vaccinated pa lang sa bansa ay 1.72 percent ng 70 million indibiduwal na kailangang mabakunahan para makamit natin ang herd immunity laban sa virus.

Facebook Comments