Unang araw ng pagpapatupad ng Alert Level System sa NCR, “generally peaceful”

Walang problema hanggang sa ngayon ang pagpapatupad ng pilot implementation ng Alert Level System sa kalakhang Maynila.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Philippine National Police Chief Guillermo Eleazar na sa kasalukuyan ay ‘generally peaceful’ ang sitwasyon sa Metro Manila.

Sa ngayon, nasa 54 na barangay ang naka-granular lockdown sa National Capital Region o NCR kung saan ito ang sentro ngayon ng kanilang pagbabantay.


Aniya, kung nitong mga nakalipas na araw nakatutok ang kapulisan sa mga quarantine controlled checkpoint, ngayon ay nakasentro na ang mga otoridad sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown katuwang ang bawat Local Government Unit o LGU.

Naka-deploy rin aniya ang mga pulis sa mga establisyemento na pinayagan na ulit magbukas simula ngayong araw upang matiyak na nasusunod ang minimum public health standards.

Kasunod nito, umaapela ang PNP chief sa publiko na patuloy pa ring sundin ang health protocols dahil nananatili parin ang banta ng COVID-19.

Sa datos ng PNP, ang mga nahuling lumabag sa quarantine protocols sa NCR simula April 12 hanggang kahapon, September 15 ay nasa 328,000 na mga indibidwal habang sa labas ng Metro Manila ay nakapagtala ng 63,400 na mga quarantine protocol violators.

Facebook Comments