Unang araw ng pasukan, sinalubong ng kilos-protesta

Sinalubong ng kilos-protesta ng grupo ng mga guro ang pagbubukas ng klase ngayong araw.

Kasabay din ito ng pagdiriwang ng World Teacher’s Day.

Idinaos ng mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang protesta sa Mendiola, Maynila bitbit ang mga placards kung saan nakasulat ang mga panawagang “Don’t leave poor, rural children!”, “Ligtas na balik-eskwela pondohan” at “Duterte, pabaya sa edukasyon!”.


Sabay-sabay din nilang pinabusina ang kanilang mga sasakyan para kunin ang atensyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa sitwasyon ng sektor ng edukasyon sa bansa.

Una rito, sinabi ni ACT Secretary General Raymond Basilio na nasayang ang panahon ng paghihintay at pagkakansela ng klase noong August 24 dahil hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang pamimigay ng printed learning modules.

Sa interview naman ng RMN Manila, umapela si National Union of Students of the Philippines President Raoul Manuel sa gobyerno na agad pondohan ang pag-iimprenta ng modules at iba pang kailangan sa pagpapatuloy ng pag-aaral.

“Kulang talaga, sobrang kulang ang ginawang paghahanda ng Department of Education para sa pasukan ngayon. Bagama’t na-move na ito ng dalawang beses, pero ang mga ginawang paghahabol ay mas nakabalikat pa sa mga guro, mga local government unit,” ani Manuel.

“Bagama’t gusto naman ng mga kabataan na makapagpatuloy sa pag-aaral, e dapat din an gating pamahalaan bilang siya ang may access sa pera ng bayan, dapat ay bigyan agad ng pondo ang pagpi-print ng mga module at lahat pa ng kailangan para sa pagpapatuloy ng pag-aaral,” dagdag pa niya.

Pero para kay National PTA Federation President Willy Rodriguez, nasa period of adjustment pa ang lahat kaya mauunawan nila kung magkaroon ng kaunting aberya sa pamamahagi ng modules.

Handa at suportado aniya ng mga magulang ang mga guro.

“Handang-handa na po sa mga challenges at mga pagbabago. Dahil nga sa pandemyang ito, dapat talaga period of adjustment. Andun yung magiging problema sa modular, yung iba siguro hindi nakarating pero being a Pilipino, napakadali pong mag-adjust ng mga Pilipino. Full support po ang PTA sa ating mga teachers,” saad ni Rondriguez sa panayam ng RMN Manila.

Facebook Comments