Cauayan City, Isabela- Maituturing na mapayapa at maayos ang unang araw ng simbang gabi sa Our Lady of the Pillar Parish Church sa Lungsod ng Cauayan.
Ayon kay Ret. Col. Pilarito ‘Pitok’ Mallillin, pinuno ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City, bagamat dinagsa ng libo-libong deboto ang unang pagsasagawa ng Misa de Gallo ay wala naman aniyang naitalang untoward incident.
Halos hindi na mahulugang karayom ang naturang simbahan kaninang umaga dahil sa dami ng mga taong dumalo sa simbang gabi kung saan mula sa loob ng simbahan, compound at hanggang sa labas ng gate ay pinuno ng mga mananampalataya.
Una nang napagkasunduan ng POSD at pamunuan ng Our Lady of the Pillar Parish Church na ipagbawal muna ang pagparada ng mga sasakyan sa compound ng simbahan.
Bago pa man ang pagsisimula ng Simbang gabi ay nagpaalala na si Father Henry Patrick Pua sa mga dadalo ng misa na sumunod pa rin sa health protocols upang makaiwas sa sakit na COVID-19.