Umabot sa halos 2,500 ang nagsimba ngayong unang araw ng Simbang Gabi sa Baclaran Church.
Natapos ang misa ng alas-5:30 ng umaga na pinangunahan ni Fr. Christoper Sta. Ana.
Inihayag ni Parañaque Chief of Police Col. Robin King Sarmiento na pinaigting nila ang police visibility kaya’t nasunod ang health protocols ng pamahalaan.
Ayon pa kay Sarmiento, naging payapa ang unang misa ng Simbang Gabi at wala silang naitalang untoward incident.
Nabatid na mahigpit ipinatutupad ng Parañaque Philippine National Police (PNP) ang quarantine protocols sa loob at labas ng simbahan.
Pero hindi pinapapasok ang mga magulang na may dalang menor de edad dahil ipinagbabawal ito kung saan ipinapaliwanag naman ito ng maayos ng mga otoridad.
Ang mga nagtitinda sa labas at gilid ng simbahan ay pinaalalahanan ng mga otoridad na sumunod sa minimum health protocols upang hindi maabala ang kanilang negosyo.