Ipinamahagi na ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang unang batch ng mga tablet devices para sa mga mag-aaral at laptops na magagamit naman ng mga guro sa Aurora Quezon Elementary School.
Ang mga ito ay may kasamang pocket WiFi para sa mga guro at SIM cards na may 10 gigabyte monthly bandwidth para sa mga estudyante.
Ayon kay Mayor Isko, layunin ng pamahalaang lungsod na matiyak na magpapatuloy ang pag-aaral ng mga Batang Maynila sa gitna ng pandemya kung kaya’t naglaan ito ng mahigit sa isang bilyong pisong pondo para sa pamamahagi ng learning devices.
Inaasahang tuloy-tuloy na maipamimigay ang mga equipment sa iba’t ibang paaralan sa lungsod simula ngayong linggo hanggang sa pagsapit ng pasukan sa ika-5 ng Oktubre.