UNANG JOB FAIR SA DAGUPAN CITY NGAYONG 2026, GAGANAPIN BAGO MATAPOS ANG ENERO

Gaganapin bago matapos ang buwan ng Enero ang kauna-unahang job fair sa Dagupan City ngayong 2026, ayon sa anunsyo ng Pamahalaang Lungsod sa isinagawang flag raising ceremony noong Lunes.

Batay sa pahayag ng Public Employment Service Office (PESO) Dagupan, nakatakda ang job fair sa Enero 24 at magsisilbing unang aktibidad ng lungsod ngayong taon na layong magbigay ng oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho.

Isasagawa ang job fair sa Lucao, Dagupan City at bukas ito sa mga aplikanteng mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang fresh graduates, skilled workers, at mga may karanasan na naghahanap ng bagong hanapbuhay.

Inaasahang lalahukan ang aktibidad ng iba’t ibang partner agencies at pribadong kumpanya na mag-aalok ng sari-saring bakanteng posisyon sa lokal at iba pang industriya.

Samantala, ipinaalam ng PESO Dagupan na ilalabas pa sa mga susunod na araw ang karagdagang detalye hinggil sa listahan ng mga kalahok na kumpanya at mga available na trabaho sa kanilang opisyal na social media page.

Facebook Comments