Cauayan City, Isabela- Naitala ng Cordillera Administrative Region ang kauna-unahang kaso ng nakahahawang COVID-19 virus na Delta variant sa Pudtol, Apayao.
Ito ang inanunsyo ng Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (PIATF-EID) Apayao batay sa lumabas na pagsusuri ng Philippine Genome Center ngayong araw, Agosto 6.
Una rito, natuklasan ang pagkakaroon ng nakahahawang variant matapos lumabas sa pagsusuri ng Genome Center ang ipinadalang specimen noong nakaraang buwan.
Bagama’t nakarekober na ang naturang kaso noong nakaraang buwan ay magsasagawa ng massive contact tracing ang provincial task force para masigurong maiwasan ang hindi inaasahang hawaan.
Sakaling matunton ang mga posibleng nakasalamuha ng nagpositibong pasyente ay isasailalim rin ito sa Reverse transcription- Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.
Kaugnay nito, siniguro ng provincial IATF sa publiko na kontrolado ang sitwasyon sa lalawigan at kanilang ginagawa ang lahat para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Samantala, isinailalim sa temporary lockdown ang bayan ng Pudtol simula ngayong araw, Agosto 6 habang naghihintay ng resulta ng isinagawang mass testing taong isasailalim rin ito sa Reverse transcription- Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.
Pinaalalahanan naman ang publiko na maging mapagmatyag at sundin ang health protocol partikular ang pananatili sa loob ng bahay, pagsusuot ng face mask at kung kakailanganin man na lumabas ay para lamang sa mga essential at emergency situations.
Sa kasalukuyan ay mayroong 391 na aktibong kaso ng COVID-19 ang buong lalawigan.