Nagmula sa unang batch ng Balik Probinsya Program ang unang naitalang kaso ng COVID-19 sa Baybay City, Leyte, ayon kay Mayor Jose Carlos Cari.
“Ang ato mga Balik Probinsya, ang first batch, akong ipasabot kaninyo, ang usa niani nag-positive sa COVID test. So, duna na tay pinakauna na COVID patient nia diri sa Baybay,” saad ng opisyal sa Facebook Live noong Miyerkules.
Ayon kay Cari, lahat ng magbabalik sa lugar ay kinakailangang mag-quarantine, rapid test, at ang magpopositibo ay obligadong sumailalim sa swab test o PCR test.
Siniguro naman ng mayor na walang dapat ipag-alala ang publiko dahil nagsasagawa na ng contact tracing.
‘Di rin umano nakasalamuha ng pasyente ang kanyang mga kaanak sa lugar.
Noong Biyernes, 11 katao ang dumating sa Baybay bilang bahagi ng Balik Probinsya program, habang 12 overseas Filipino workers (OFW) naman ang sumunod kinabukasan.
Inaasahang dadami pa ang magbabalik-probinsya, ayon sa opisyal.
Muling namang nagpaalala si Cari sa publiko na sundin lang ang mga ipinatutupad na patakaran kontra coronavirus.