Negatibo ang naging paglalarawan at assessment ng grupo ng mga guro sa unang linggo ng pagbubukas ng klase sa bansa.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), taliwas ang sitwasyon na naranasan ng mga guro sa pahayag ng Department of Education (DepEd) na naging maayos at payapa ang pagbubukas ng klase.
Iginiit ng ACT na naging terible sa hanay ng mga kaguruan ang pagbubukas ng klase dahil bukod sa nasayang ang dalawang taon at hindi ito napaghandaan, ay walang sapat na suporta ang mga guro mula sa gobyerno.
Bukod sa kakulangan ng upuan at classrooms, hindi rin malinaw ang ratio ng mag-aaral at guro, at wala silang nakikitang malinaw na plano mula sa DepEd kung paano tutugunan ang learning loss ng mga mag-aaral.
Wala rin aniyang ginawang pansamantalang learning space sa ilang mga paaralan sa Central Visayas na naapektuhan ng Bagyong Odette.
Ayon pa sa mga guro, hindi sila nakatanggap ng anumang karagdagang pinansiyal para makabili ng mga kailangang gamit para maiwasan ang COVID-19 sa mga paaralan.
Dahil dito, hinimok ng grupo ang DepEd na pag-aralang mabuti ang epekto ng learning losses sa mga bata at magsagawa ng learning recovery plan.