UNDAS | Crowd estimate sa Manila South Cemetery pumalo nang higit sa 600,000

Makati City – Pumalo sa 688,452 ang naitalang crowd estimate sa Manila South Cemetery, Makati City.

Ayon kay Police Superintendent Albert Barot Task Unit South Commander ang nasabing bilang ay naitala kahapon November 1 hanggang kaninang alas sais ng umaga, November 2.

Kung saan kaninang madaling araw sa pagitan ng alas tres hanggang alas sais kaninang umaga naitala ang pinakamaraming indibidwal ang nagtungo dito sa sementeryo para dalawin ang yumao nilang mahal sa buhay.


Sinabi pa ni Lieutenant Colonel Barot na sa ngayon ay inaasahan na lamang ang kaunting bilang ng ating mga kababayan o hanggang sa sampung libong indibidwal na lamang ang magtutungo dito sa sementeryo.

Pero hindi aniya sila magbabawas ng tauhan at mahigpit pa rin ang ikakasang seguridad.

Sa ngayon isinara na sa publiko ang 2 gates dito sa Manila South Cemetery at tanging sa main entrance na lamang maaaring pumasok ang mga hahabol pa sa pagbisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Samantala tila natuto na ang ating mga kababayan dahil wala nang nagtangka pang magpasok dito ng inuming nakalalasing at 2 lamang ang nagtangkang magpasok ng baraha.

Malaking tulong din ang name tagging dahil mangilan-ngilan na lamang ang mga batang napawalay sa kanilang mga magulang kahapon at agad din naman silang naibalik.

Facebook Comments