UNDAS | LTFRB, tiniyak na magdodoble kayod sa pagbabantay sa mga pampublikong sasakyan

Manila, Philippines – Binalaan ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang mga operators at mga drivers ng mga pampublikong sasakyan na mahigpit nilang babantayan ang mga ito lalo na ngayong papalapit na undas para sa kaligtasan ng mga pasahero.

Sa briefing sa Malacañang ay sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra, inatasan na niya ang mga Regional offices ng LTFRB na magsagawa ng mas mahigpit na monitoring sa mga terminal ng mga bus at iba pang pampublikong sasakyan para matiyak na walang bibyaheng sasakyan na hindi ligtas at matiyak na magiging maayos ang operasyon ng mga ito.

Sinabi din ni Delgra na nakikipagugnayan na sila sa Land Transportation Office, Philippine National Police at maging sa Armed Forces of the Philippines para mas maging epektibo ang kanilang ginagawang pagbabantay.


Sa ngayon din aniya ay inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga pasahero kaya magbibigay ang LTFRB ng mga special permit kung saan aabot sa mahigit 800 na ang nagapply na pampasaherong sasakyan.

Ang pagbibigay nila ng Special Permit ay para matiyak na sapat ang mga sasakyan ng mga magsisiuwian sa kanilang mga lalawigan sa paparating na Undas.

Tatagal naman aniya ang mahigpit nilang pagbabantay hanggang a-5 ng Nobyembre kung saan inaasahan na nakabalik na sa Metro Manila ang mga umuwi sa mga lalawigan.

Facebook Comments