Pumalo na sa 6,200 as of 9 ng umaga ang mga kababayan nating dumagsa sa Loyola Memorial Park upang dalawin ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay Marikina COP Senior Superintendent Roger Quesada, personal mismo siyang nag-iikot sa limang sementeryo sa Marikina kabilang ang Loyola Memorial Park upang matiyak ang seguridad ng mga dumadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Paliwanag ni Senior Superintendent Quesada, umaabot sa 815 na mga bagay na ipinagbabawal ang nakumpiska sa Loyola Memorial Park kabilang ang mga lighter, pusporo, gunting at matatalas na bagay maging ang sigarilyo ang nakumpiska at iniwan sa gate ng naturang sementeryo.
Pinayuhan ng opisyal ang mga Marikeño na maging mapagmatyag at isumbong agad sa mga pulis na nagroronda kung mayroon silang kahina-hinalang napapansin sa mga sementeryo sa kanilang lugar.